Ibinahagi ng British singer na si Jessie J ang kaniyang kinakaharap na pagsubok matapos na matuklasan na mayroon siyang breast cancer.
“Before ‘No Secrets’ came out, I was diagnosed with early breast cancer. I'm highlighting the word early,” sabi ni Jessie sa kaniyang Instagram, na mapanonood din sa Balitanghali nitong Huwebes.
“Cancer sucks in any form, but I'm holding on to the word early. I have been in and out of tests throughout this whole period," pagpapatuloy niya.
Inilahad pa ng "Price Tag" singer na pagkatapos ng kaniyang performance sa Summertime Ball, hindi na muna siya magiging visible sa publiko.
Sasailalim daw siya sa surgery.
Ayon sa kaniya, ibinahagi niya ang kaniyang kalagayan dahil nakatutulong ito para kayanin niya ang kaniyang pinagdaraanan.
Umapaw naman ng mga mensahe ng suporta para kay Jessie mula sa celebrities tulad nina Katy Perry, Rita Ora at Leona Lewis. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
