Nagtipon-tipon ang mga executive, artista, kliyente, at partner ng Kapuso Network sa isang espesyal at makabuluhang pre-gala event na ginanap sa Okura Hotel sa Maynila nitong Huwebes, bilang paghahanda sa inaabangang GMA Gala 2025.

Bilang paunang pagdiriwang sa main gala night, tampok sa pre-gala event ang donasyong P2.5 milyon ng GMA Network para sa GMA Kapuso Foundation, para sa patuloy nitong pagtulong sa mga nangangailangan.

Sa kaniyang pambungad na pananalita, inihayag ni GMA Network Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes, ang mga tagumpay ng network at ang matibay na partnership ang dahilan sa likod ng patuloy na pag-unlad ng GMA Network.

Pinangunahan ni Sparkle GMA Artist Center First Vice President Joy Marcelo ang toast, matapos ang awitin mula kay Charlie Fleming.

Kabilang sa mga dumalong Kapuso executive sina GMA Kapuso Foundation Executive Vice President at Chief Operating Officer Rikki Escudero-Catibog at Sparkle Senior Talent Manager Tracy Garcia, kasama ang iba pang opisyal ng network.

Sa panayam ng GMA Integrated News, sinabi ni Gozon-Valdes, na itinuloy ang pre-gala dinner sa kabila ng masamang panahon dahil nakalaan ito para sa kapakanan ng GMA Kapuso Foundation.

"Tamang-tama, nangangailangan talaga sila ng tulong ngayon. So specifically, all the proceeds, at least P2 million ha ang nalilikom natin, tonight ay mapupunta particularly for the calamity victims," saad niya.

"Even before the storms, even before the flooding, talagang for the benefit of Kapuso Foundation itong gabing ito. So lalo na siguro silang na-engganyong pumunta kasi meron talagang mga nangangailangan ng tulong, so I’m very happy na we’ve raised at least P2 million as of now. And baka madagdagan pa at the end of the night," dagdag pa ni Gozon-Valdes.

Ang P500,000 pa na donasyon ay mula sa BingoPlus at BingoPlus Foundation.

Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Escudero-Catibog, at binigyang-diin ang matinding epekto ng mga pag-ulan na dala ng habagat at mga bagyo sa mga komunidad.

"First, it was habagat, we’ve been conducting relief operations araw-araw. Tapos ngayon naman, no’ng pumasok si Emong at pinalakas pa nitong si Dante, ‘di naman makaalis si Dante dahil merong Fujiwhara effect daw ‘yung dalawang bagyo. So, talagang ang hinagupit talaga ‘yung probinsya ng Pangasinan at tsaka ang Pampanga nasa state of calamity na," saad niya.

Idinagdag niya na gagamitin ng GMA Kapuso Foundation ang pondong nalikom sa pre-gala dinner at sa mismong Gala Night para sa karagdagang relief operations para sa mga nasalanta ng Habagat at mga bagyo.

Kabilang sa mga artistang dumalo sa event ay sina Yasmien Kurdi, Rocco Nacino, Martin Javier, Shuvee Etrata, Anthony Constantino, AZ Martinez, Charlie Fleming, Will Ashley, Josh Ford, Michael Sager, Vince Maristela, Angel Guardian, Jak Roberto, Jeric Gonzales, Anton Vinzon, Sofia Pablo, Allen Ansay, Faye Lorenzo, at Mad Ramos.

“Nakakatuwa na pumunta dito knowing na merong purpose ‘yung pagpunta,” sabi ni Angel.

“Masaya ako na naging parte ako nito at personal ding makapagpasalamat bilang presensya sa mga major sponsors natin tonight at saka sa magiging gala natin,” pahayag naman ni Kelvin.

Ayon naman kay Wil,"Nakakataba lang po talaga ng puso na malaman na maraming tao ang matutulungan.” 

Ang GMA Gala 2025, na bahagi ng pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng GMA Network ngayong taon, ay gaganapin sa Agosto 2.

Ang GMA Gala na nasa ika-apat na taon ay isang pagtitipon ng mga Kapuso celebrity at mga personalidad mula sa industriya ng showbiz. Habang nabibihisan ng mga engrandeng kasuotan, isa rin itong pagtitipon para sa pagkakaisa at selebrasyon.

Noong 2024, ang nalikom na pondo mula sa gala ay inialay para sa mga biktima ng Bagyong Carina.

-- Mula sa ulat ni Carby Rose Basina/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News