Inilahad ng Japanese vlogger at actor na si Fumiya Sankai na wala siyang ideya noon kung ano ang pag-ibig, ngunit natuklasan niya ito matapos makilala ang Kapuso actress na si Kate Valdez.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, ikinuwento ni Fumiya na una silang nagkakilala ni Kate nang minsang dumalo ang dalaga sa isang event na magtatanghal siya.

Noong makita niya si Kate, agad siyang nabighani.

“Wow!” sabi ni Fumiya.

“After po niya mag-perform, so pinakilala kami ng common friend ‘This is Fumiya!’ ‘Ah, ito pala ‘yung event na in-attendan ko. Siya pala ‘yung performer,” pag-alala naman ni Kate, na sinabing dumalo siya nang magpasama ang kanilang common friend.

Kilala na noon pa ni Kate si Fumiya sa mga video nito, at pinuri ang Japanese actor.

“‘Ah, I know him! Actually, pinapanood kita. Tawang-tawa ko sa'yo. You always made my day,’” sabi ni Kate kay Fumiya, na nagpasalamat naman sa kaniya.

“Kasi medyo ‘yung language barrier. Tapos naging friends po kami after that,” anang Sparkle actress.

Para kay Fumiya, love at first sight nang makita niya si Kate.

“I don't know what is love. I don't know. Pero when I saw her, I feel parang…[this is love]. Parang fire, ‘di ba?” kuwento ni Fumiya.

“I feel she is good. Even if I didn't talk so much pero I feel like, ah, she's mabait,” ani Fumiya.

Inamin naman ni Kate na naguwapuhan din siya kay Fumiya.

“At first, cute eh. Kasi, napanood ko siya from PBB back… I was still 18 years old that time. So, parang, ang cute niya. Pero iba pala siya in person. Sabi ko, ‘Ah, guwapo pala, ang cute,’” dagdag niya.

Dahil wala sa kultura ng Japanese men ang manligaw, sinabi ni Fumiya na inaaya niya noon si Kate na lumabas.

Idinagdag din ni Kate na direktang sinabi sa kaniya ni Fumiya na may gusto siya sa dalaga, at pagkaraan ng isang buwan ay sinabihan siya ng binata ng “I love you.”

Nang magpunta sila sa Japan, nakilala na ni Kate ang pamilya ni Fumiya.

Ayon kay Kate, mas lalo niyang nakilala si Fumiya at pagiging malapit nito sa kaniyang pamilya.

Bagaman napag-uusapan na raw nila ang magpakasal, sinabi ni Kate na nakatuon muna ang atensyon nila ni Fumiya ang kanilang career.

Naging usap-usapan ang pagiging malapit nina Kate at Fumiya sa isa’t isa matapos silang makitang magkasama sa Hong Kong Disneyland sa araw ng kaarawan ng aktres.

Bumida rin si Kate sa music video ni Fumiya na labis niyang ikinatuwa. -- FRJ GMA Integrated News