Dahil maganda ngayon ang career ni Billy Crawford sa France, tinanong siya sa "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Martes, kung may plano ba siyang lumipat doon kasama si Coleen Garcia, at mga anak nila.
“It was talked about. Pero sobrang mahirap i-plan out now pa lang for Coleen din kasi. Language barrier, culture shock, my son [Amari] right now is thriving in school, tapos si Austin he’s just born a few days back,” saad ni Billy kay Tito Boy.
“So it’s tough if I make a selfish decision and say ito kasi ‘yung career ko. Let’s move here,” dagdag ni Billy na isa sa mga coach ng “The Voice Kids Philippines” Season 3.
Ayon pa kay Billy, kinailangan niyang magsakripisyo noong mga nakaraan nang tumanggap siya ng ilang trabaho mula sa labas ng bansa para malaman ang kaniyang hinaharap.
Kasama na rito ang kaniyang gig na "Dancing with the Stars France," na nagbukas naman ng mga oportunidad sa kaniya.
Gayunman, hindi naman isinasara ni Billy ang posibilidad na mag-migrate sa ibang bansa sa hinaharap.
“Siguro one day Tito Boy. Hindi sarado ‘yung pintuan ko to have a place I can call home as well outside the Philippines,” ani Billy.
Isinilang ni Coleen kamakailan ang ikalawang anak nila ni Billy na si Austin.
Makakasama ni Billy sa “The Voice Kids Philippines” Season 3 sina Julie Anne San Jose, Zack Tabudlo at Paolo at Miguel Benjamin ng “Ben&Ben.” Mapanonood na ito sa Setyembre 14. – FRJ GMA Integrated News
