Inilahad ng dating housemate sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" na si Will Ashley na naging inspirasyon niya si Alden Richards para subukan ng mundo ng showbiz.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng tinaguriang “Nation's Son,” na pumasok sa isipan niya na mag-artista nang mapanood niya sa teleserye si Alden.

"Na-inspire po ako sa pinapanood kong teleserye sa GMA na nandoon po si Kuya Alden," ani Will. "Si Kuya Alden po talaga 'yung idol ko before pa."

Matapos makita sa telebisyon si Alden, nagpasya si Will na subukan ang acting. Nagsimula siya sa pagsali sa acting workshop.

"Sabi ko, bakit hindi ko siya i-try? Feeling ko magiging happy ako. Doon po nag-start 'yun na nag-workshop ako. Nag-start ako sa commercial," kuwento niya.

Noong 2013, nag-audition si Will sa Kapuso series na "Villa Quintana," at nakuha sa role bilang batang Isagani. Mula noon, nagtuloy-tuloy na siya sa pag-arte.

Nakasama rin siya sa iba pang proyekto, kabilang ang "Mulawin vs Ravena," "Contessa," "Prima Donnas," "The Fake Life," "Mano Po Legacy: The Flower Sisters," "Unbreak My Heart," "Prinsesa ng City Jail," at marami pang iba.

Ayon kay Ashley, ang kaniyang ina ang naging kasama niya sa kaniyang showbiz journey dahil anim na taong gulang lang siya nang pumanaw ang kaniyang ama.

Ang maging breadwinner sa kanilang pamilya ang isa rin sa mga dahilan kaya ninais niyang makapasok sa showbiz upang makapagtrabaho at matulungan ang kaniyang ina.

Solong anak si Will, na ipinaliwanag na hango ang pangalan niyang Will sa pangalan ng kaniyang ama na si Wilfredo. Habang ang “Ashley” ay pangalan na nais ng kaniyang ama na ibigay kung nagkaroon pa ito ng anak na babae.

Naging Second Big Placer si Will sa nakaraang PBB, kasama ang kaniyang Kapamilya duo na si Ralph De Leon.

Mapapanood si Will sa upcoming movies na "Bar Boys: After School," "Love You So Bad," at “Poon."

Magkakaroon din siya ng solo concert sa October 18 sa New Frontier Theater. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News