Sinagot ni Bea Alonzo ang mga usapin online na engaged na umano sila ng nobyo na si Vincent Co.

“Alam mo, nauunahan pa rin ng lahat ng mga tao 'yung mga pangyayari sa buhay ko. I have nothing to clarify and I want to keep things private,” sabi ni Bea sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.

Dagdag pa ni Bea, “There's nothing to say actually,” at inilarawan niya ang relasyon ngayon sa negosyante na “Very happy, yes.”

Matatandaang kinumpirma ni Bea ang relasyon nila ni Vincent sa kaniyang panayam sa GMA Integrated News sa GMA Gala noong Agosto.

May tugon din si Bea sa mga naghintay para sa isang grand boyfriend reveal.

“Alam niyo, huwag na kayong maghintay kasi walang magiging grand reveal. I really want to focus on my personal life being private right now. Parang feeling ko ang dami kong natutunan sa lahat ng pinagdaanan ko sa buhay that I really want to keep things and to keep my personal stuff really private this time,” anang Kapuso actress.

Hindi muna sumasabak ngayon sa taping si Bea ngayong nakatuon muna siya sa pagiging isang businesswoman.

Inilalaan din ng aktres ang marami sa kaniyang oras sa pagta-travel at pagtuon sa maraming family events na na-miss niya sa mahigit dalawang dekadang business sa pag-aartista.

“I've been in the business for almost 25 years na, can you imagine? So, parang now is the time to tap on the things that I haven't done before. Feeling ko hindi ko pa na-reach 'yung full potential ko when it comes to other things like business. And I'm really enjoying discovering kung ano pa 'yung kaya kong gawin.”

Naintriga ang fans sa personal na buhay ni Bea nang minsang magpalitan sila ng mga mensahe ni John Lloyd Cruz.

Iniimbitahan ni John Lloyd si Bea sa kaniyang tahanan at isama ang boyfriend na si Vincent.

“Nakakatawa lang si Ethan, as I call him. Nakalimutan niya ata na nag-WhatsApp naman kami o nagba-Viber naman at may number naman. Hindi ko alam bakit doon siya nag-message. Nakalimutan niya ata na maraming tao roon.” — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News