Humihingi ng dasal ang komedyanteng si Ate Gay para sa isang himala upang madugtungan ang kaniyang buhay sa harap ng pakikipaglaban niya ngayon sa Stage 4 cancer.

Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, inilahad ng singer at standup comedian na si Ate Gay ang lagay ng kaniyang kalusugan, at pagharap din sa problema sa mga bayarin sa kaniyang pagpapagamot dahil tumigil na siya sa pagtatrabaho.

Sumikat si Ate Gay sa kaniyang panggagaya noon o bilang impersonator ng yumaong National Artist na si Nora Aunor. Sikat din ang ginagawa niyang “mashup” songs o pinaghahalo-halong awitin.

Ayon kay Ate Gay, nagsimula lang na maliit na bukol ang nakita niya sa kaniyang leeg nito lang nakaraang Pebrero.

“Parang beke lang siya noon. Hindi pantay ang mukha ko,” ani Ate Gay.

Ipinasuri din ng komedyante ang bukol at sumailalim sa ultrasound, CT scan, at biopsy. Sa simula, lumitaw na benign o hindi cancerous ang bukol. Kaya naman nagawa pa niyang makapagtrabaho at makapag-show sa ibang bansa.

“May show ako sa Canada, medyo lumalaki na siya. At saka nagbi-bleed nang nagbi-bleed,” ani Ate Gay.

Habang nasa isang probinsiya naman para mag-show pa rin, patuloy na pagdugo ng leeg ni Ate Gay. Pag-uwi niya sa Maynila, dinala siya sa ospital at muling sinuri at doon napag-alaman na malala na ang cancer niya.

“Mahirap ngayon ang lagay ko. May kanser ako, stage 4 daw,” saad niya.

Hirap sa kaniyang kalagayan si Ate Gay kaya nais niya sanang ipatanggal ang bukol sa kaniyang leeg. Gayunman, hindi na raw ito maaaring gawin dahil baka dumugo nang labis ang bukol at makasama sa kaniya.

“Wala raw lunas. Masakit sa akin. Halos araw-araw umiiyak ako. Hindi naman ako nagkulang kay Lord. Although lagi kong sinasabi na walang himala,” pahayag ni Ate Gay dahil na rin sa mga nagsasabing baka hindi na siya umabot sa susunod na taon.

Ang chemotherapy at radiation sana ang paraan upang mapabagal ang pag-atake ng cancer pero tutol dito ang kaniyang pamilya dahil na rin umano sa nangyari sa isa nilang kapatid na nagkaroon din ng cancer.

Nakita raw kasi ng mga kapatid niya kung papaano nanghina ang kanilang kapatid nang magpa-chemo.

Kaya naman humiling ng dasal si Ate Gay.

“Kailangan ko po ng himala, kailangan ko po ng dasal. Kailangan ko po ng lakas at sana po makayanan ko ang araw-araw kong buhay sa ngayon,” pahayag niya.

“Magpapagaling ako, hindi ako puwedeng mawala ayoko,” sabi pa ni Ate Gay. “Sana mabuhay ako nang matagal dahil gusto kong pang magpasaya.”

Noong 2021, dumaan din si Ate Gay sa matinding pagsubok sa buhay nang magkaroon siya ng pambahirang sakit sa balat na toxic epidermal necrolysis. Kung nakayanan niya at malampasan niya ito, umaasa siya makakayanan din niya ang cancer ngayon.

Tunghayan sa video ang buong panayam kay Ate Gay, kung saan ibinahagi niya kung papaano siya nagsimula sa showbiz. Alamin din kung bakit mahal na mahal siya ng kaniyang mga kamag-anak at mga nakatrabaho, gaya ni Boobay na itinuturing siyang anghel. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News