Kilala si Manilyn Reynes sa karakter niyang si “Elsa Manaloto” sa Kapuso show nila ni Michael V. na “Pepito Manaloto.” At marami umano ang nagugulat kapag nalaman na ang legal name niya sa tunay na buhay ay Manilyn Reynes-Manoloto.
Sa kaniyang guesting sa vodcast na “Your Honor!,” ikinuwento ni Manilyn na Manoloto ang tunay na apelyido ng kaniyang asawa at dating aktor na si Aljon Jimenez, o Al John Manoloto sa tunay na buhay.
“Si Kuya Aljon mo, Manoloto talaga. So Manilyn Reynes-Manoloto,” sabi ni Manilyn, na ikinagulat din ng host na si Buboy Villar.
“So tuwing nai-interview ako in real life, kunwari may mga dokumento or mga susulatan, may i-interviewhin ka. ‘Name po, please?’ ‘Manilyn Reynes-Manoloto,’” sabi ni Manilyn.
Kaya naman madalas siyang nakatatanggap ng reaksiyon na “Hindi po?” “Hindi nga po?” mula sa kaniyang mga kausap at sumasagot naman siya ng “Totoo po.”
“‘Si Aljon po kasi Manoloto,’” paliwanag ni Manilyn sa kausap. “Doon ka na naman sa next window. ‘Ay talaga po Ms. Manilyn?’ ‘Opo, si Aljon po kasi Manoloto.’”
Love story
Ikinuwento rin ni Manilyn kung paano nagsimula ang love story nila ni Aljon, na 34 years na niyang kasama sa buhay.
Matatandaang nagsimula si Manilyn sa That’s Entertainment noong 1986.
“Noong pumasok siya [Aljon] sa showbiz, 1990s na ‘yun. Nagkikita kami sa That's. Kasi madalas pa akong pumupunta nu’n. Pero hindi pa naman kami nagpapansinan. Until nag-’Shake, Rattle & Roll’ ako. Kasi kami 'yung magka-love team, magka-partner du’n. Although talagang super tahimik yun. Tahimik lang talaga siya,” kuwento ni Manilyn.
“Siya ‘yung tingin lang. Ako ang bangka, so magkukuwento ako sa staff, sa crew. Siya naman titingin lang. Pero siyempre 'yung tingin na, ay!,” patuloy niya.
Kalaunan, na-develop ang pagtitinginan nina Manilyn at Aljon sa isa’t isa habang magkasama sa proyekto.
“Nag-start talaga 'yun actually. Alam na namin na we had feelings for each other nu’ng sa ‘Shake’ pa lang. Kasi may isang eksena doon na nasa sasakyan kami. Tapos ang tagal naming naka-stay sa car. So, ewan namin for some reason, nasa driver's seat siya, ako sa front seat,” pagbahagi pa ng aktres.
“Tapos bigla na lang kaming naka-holding hands. Tapos alam mo 'yung after nu’n, hindi mo na alam 'yung gagawin mo ‘di ba? Aminin niyo ‘yan. Nakakahiya na. So, hindi ka na makatingin,” sabi pa niya.
Nagpanggap pa si Manilyn noon na nakadungaw sa bintana dahil hindi siya makatingin kay Aljon, ngunit halata sa kaniya ang kilig.
“So, cut to… nagtatawagan na kami. Nag-I love you-han kami. Pero hindi pa kami,” sabi niya.
Ngunit naputol umano ang komunikasyon nila sa isa’t isa.
“One year, nawala ‘yan. Nawala 'yung calls. Nawala lahat. Tapos sabi ko, ‘Ibig sabihin siguro, hindi, ‘di ba? Kasi nawala e,” ayon sa aktres.
Sa ika-19 na kaarawan ni Manilyn noong 1991 nang sorpresahin siya at binisita ni Aljon. Dahil matagal na hindi nagkausap, malamig ang naging pagtrato niya sa binata.
“Hanggang sa lumantad. ‘Happy birthday,’” pagbati sa kaniya ni Aljon. “‘Thank you! Upo ka, upo ka.’ Siyempre, ‘di ba, super cold.”
Matapos nito, hindi na raw kinausap ni Manilyn si Aljon ng buong party, hanggang sa magsi-uwian na ang mga tao at muli silang magkausap noong madaling araw.
“So, mga 2 a.m. na. Eto na. Wala nang tao, siguro mga iilan, mga dalawa, tatlo. Tapos sabi niya sa akin, tipsy. ‘Aalis na ako.’ Sabi ko. ‘Ah, andito ka pala!’ Siyempre kailangan natin, drama.”
Dito, nagsabi umano si Aljon ng “s***” word.
“Ano? Talagang nagpanting 'yung tenga ko kasi ano ‘to, ‘di ba? One year kang wala tapos pagdating mo dito may ganiyan, may ‘s’? Ano ‘to?” sabi ni Manilyn.
Iyon pala, tila nagseselos si Aljon na may bagong manliligaw na si Manilyn, at nainggit sa mga kasuotan nito.
“May pagseselos pang nagaganap ‘di ba? So ako parang, ano ‘to? Nasaan ako?”
Kalaunan, muling nagtapat si Aljon ng kaniyang pag-ibig.
“Biglang sabi sa akin, ‘Alis na ako,’” sabi ni Aljon kay Manilyn, na tinugunan niya ng “‘Okay. Bye.”
Pero si Aljon, humirit ng “‘Alis na ako. I love you.’”
Kahit naiinis, hindi naiwasan ni Manilyn na mag-I love you rin kay Aljon.
“Siyempre mainit ang ulo ko, galit na ako e, ‘di ba?” sabi niya, pero napasagot si Manilyn kalaunan ng “‘I love you too!’”
May tatlong anak na ngayon sina Manilyn at Aljon na sina Kyle, Kirk, at Kael.—FRJ GMA Integrated News
