Ibinahagi ni Ate Gay ang magandang balita na makikitang lumiit na ang bukol sa kaniyang leeg matapos ang anim na araw ng kaniyang radiation therapy.
Sa kaniyang Facebook post, ipinakita ni Ate Gay sa isang video ang kaniyang leeg na kapansin-pansin na lumiit na ang bukol.
“Hello, wala na akong bukol. Konting-konti na lang oh,” saad ni Ate Gay sa video.
“Thank you Lord. I love you po. Thank you,” dagdag niya.
Dating inihayag ni Ate Gay na hiniling niya noon sa duktor na alisin o bawasan ang bukol pero hindi umano maaaring gawin dahil sa peligro na baka magkaroon ng labis na pagdurugo.
Inihayag ni Ate Gay ang kaniyang stage 4 cancer diagnosis sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho" noong Setyembre. Mula noon, bumuhos na ang tulong sa kaniya para labanan ang sakit.
Kabilang sa natanggap na tulong ni Ate Gay ang pagsailalim niya sa radiation therapy nang libre dahil sinagot ng donor na tinatawag niyang “anghel.” May nagpahiram sa kaniya ng condo unit na kaniyang matitirhan na malapit sa ospital.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

