Kilala bilang ang Kapuso Primetime Action Hero, marami nang nakatrabahong aktres si Ruru Madrid. Mayroon kaya sa mga ito ang pinagselosan ng kaniyang nobya na si Bianca Umali?

Sa kaniyang guesting sa vodcast na “Your Honor” diretsahang tinanong nina Chariz Solomon at Buboy Villar kung sino sa mga aktres ang pinagselosan ni Bianca.

“Feeling ko hindi ano eh, pinagselosan? Paano ba?” tugon ni Ruru, na tila nag-iisip ng kaniyang sagot.

“Hindi ko masasabing selos. Pero parang alam mo ‘yung pinag-iingat. ‘Oops, mag-iingat ka,’” ayon kay Ruru.

Nang kulitin nina Buboy at Chariz kung sino ito, hiniling ni Ruru na ibulong na lamang ang pangalan ng aktres.

Naiintindihan ko naman siya,” sabi ni Chariz, matapos ang bulungan nilang tatlo. “At least nagpag-usapan niyo.”

“Tama nga ‘yung pinag-iingat ka lang,” hirit naman ni Buboy.

Samantala, tinanong din si Ruru kung sino ang artistang muntik na niyang makasuntukan o makaengkuwentro.

Ayon sa aktor, wala naman siyang muntikang makasuntukan pero mayroon siyang mga kinausap para maiwasan na umabot sila sa hindi magandang sitwasyon.

“Na-realize ko na hindi naman na para paabutin sa ganu’n. Be the better person na lang lagi. Parang isipin mo na lang na maging mabuting tao sa lahat ng pagkakataon,” dagdag niya.

Matapos ang muli nilang bulungang tatlo, ibinahagi ni Ruru na may mga masinsinan siyang kinausap na mga kapwa aktor.

“Lahat sila kinausap ko. Sinabi ko na, ‘Ito ‘yung hangganan natin, pare.’ Sabi ko, ‘Ako, mabuti akong kaibigan. Pero, ayoko lang na makipag-away sa inyo.’ So, yun na,” kuwento niya.

Sinuportahan ni Buboy ang ginawa ni Ruru dahil kailangan ng aktor na protektahan kung ano ang para sa kaniya. – FRJ GMA Integrated News