Nakatanggap si Michael V. ng video greeting mula sa American comedian at television host na si Conan O'Brien, na mapapanood din sa Kapuso series na "Sanggang Dikit FR."
Ibinahagi ni Bitoy ang video ng pagbati ni Conan sa Instagram, na labis na ikinatuwa ng Kpuso comedy genius.
"Bitoy! I want to say congratulations, 30 years to have a show. I don't care where you are in the world, that's an amazing record. You're a very talented person. I wish you the best. Congratulations,” pagbati ni Conan.
Kaya naman sa kaniyang caption, sinabi ni Bitoy na "epic" ang video greeting ni Conan, na siyang kumumpleto sa ika-30 anibersaryo ng “Bubble Gang.”
"Thank you so much Conan O’Brien for this! It’s ABUNDANT! That means ‘a lot’," ani Bitoy.
Ipagdiriwang ng "Bubble Gang" ang ika-30 anibersaryo nito na may two-part anniversary special na ipapalabas sa Oktubre 19 at 26.
Kasama sa special appearances sina Vice Ganda, Jillian Ward, AiAi Delas Alas, Esnyr, at si Ogie Alcasid, na magbabalik bilang si Boy Pick-up!
Nasa Pilipinas naman si Conan para sa shooting ng kaniyang travel show na “Conan O'Brien Must Go,” na nasa ikalawang season sa HBO Max.
Spin-off ito ng kaniyang podcast na "Conan O'Brien Needs a Friend," at nagsimulang ipalabas sa TV noong 2024.
Kilala si Conan sa pagho-host ng late-night talk show na “Late Night with Conan O'Brien,” at “The Tonight Show with Conan O'Brien.”
Nauna nang umakyat sa entablado ang komedyante at late-night host bilang host ng 2025 Oscars, at babalik siya bilang host para sa 2026 Oscars.
Samantala, nakatakda ring mapanood si Conan sa “Sanggang Dikit FR,” na pinagbibidahan nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado.
Nagbahagi si Dennis ng ilang behind the scene photos kung saan makikita sila ni Jen na suot ang kanilang police uniforms kasama si Conan.
“Taping day w/ Conan the Bar Brien,” saad ni Dennis sa post.
--Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

