Kasabay ng pasasalamat sa mga taong nagpaparating ng pakikiramay sa kanilang pamilya, inihayag ni Kuya Kim Atienza na uuwi sa bansa ang mga labi ng namayapa niyang anak na si Emman.

Sa isang maikling post sa social media nitong Lunes, pinasalamatan ni Kuya Kim ang lahat ng nagpadala ng mensahe ng pakikiramay at pagdamay sa kanilang pinagdadaanan ngayon.

"Thank you so much for all the messages of comfort to the family," saad ni Kuya Kim sa caption. "We may not be able to reply but we appreciate you all."

Sabi pa ni Kuya Kim, ihahayag niya ang detalye sa magiging burol ni Emman sa Manila.

"Emman will be home," ani Kuya Kim.

Inanunsyo ng pamilya Atienza ang pagpanaw ni Emman noong Biyernes, Oktubre 24 sa Amerika sa edad na 19.

Sa nakalipas na mga araw, inalala at nagbigay-pugay ang pamilya para kay Emman sa pamamagitan ng mga post sa social media.

Ngayon Lunes, ibinahagi ni Eliana kung gaano niya nami-miss ang kaniyang kapatid na si Emman.

Binalikan niya ang mga pangarap na minsan nilang pinagsaluhan.

“We were supposed to co-create a better world where our children could play together, and we could laugh knowing we fought and struggled to build this for them,” ani Eliana. “I hope this message reaches you wherever you are. Call me soon, okay?”

Una rito, ibinahagi rin si Kuya Kim ang video clip mula sa panayam ni Emman sa vlog ni Toni Gonzaga, kung saan pinag-usapan nito ang inspirasyon sa likod ng kaniyang tattoo sa tenga, at muli niyang ipinaalala ang panawagan ng kanilang pamilya para sa “just a little kindness.”

Nag-post din siya ng video ni Emman na kumakanta, kalakip ang mensaheng, “The Lord gave and the Lord has taken away.”

Nagbahagi rin ang ina ni Emman, si Felicia, ng paalala tungkol sa kahalagahan na piliin ang kabutihan.

Sa huling broadcast message ni Emman sa Instagram noong Setyembre 1, ibinahagi niya ang kaniyang saloobin tungkol sa pressure ng social media at ang kaniyang desisyong magpahinga muna sa TikTok. —FRJ GMA Integrated News