Nagbigay ng magandang balita si Ate Gay para sa kaniyang followers at supporters kaugnay sa kaniyang pakikipaglaban sa sakit na cancer.
Sa kanilang post sa Facebook ngayong Martes, sinabi ng stand-up comedian na, "Graduate na ako sa chemo."
"Nalagpasan ko ang pagduduwal, walang panlasa," saad niya.
Kaya naman daw puwede na siyang kumain "nang bongga."
Sinabi rin ni Ate Gay na sasailalim pa siya sa 15 days radiation at pagkatapos ay immune therapy na “12 sessions every 21 days.”
“Salamat po sa mga dasal niyo lumalaban ako,” ayon pa kay Ate Gay.
Noong nakaraang Setyembre nang ilahad ni Ate Gay sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang pagkakaroon niya Stage 4 cancer. Matapos nito, bumuhos ang tulong sa kaniya upang makapagpagamot at may nag-alok din ng tirahan na malapit sa ospital.
Ilang araw lang matapos siyang sumalang sa radiation, ibinalita ni Ate Gay ang pagliit ng bukol sa kaniyang leeg.
"Umiiyak ako dahil masaya ako, hindi sa malungkot, ha? Napakasuwerte ko sa mga anghel ko. Thank you, thank you, thank you. Ang suwerte-suwerte ko," saad niya sa isang panayam. — FRJ GMA Integrated News

