Pinagtataga at pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang driver ng habal-habal sa Barangay Bulua sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing natagpuan ng pamilya ng biktima sa isang madilim na lugar na wala nang buhay at may mga saksak at taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), posibleng naganap ang insidente noong gabi ng Biyernes, at kaagad silang nagsagawa ng hot pursuit operation laban sa suspek na kilala ng biktima.

Idinagdag ng COCPO na magkapatid ang kinakasama ng biktima at ng suspek. Ang matagal nang alitan ang tinitingnan ng mga awtoridad na motibo sa krimen.

Naaresto kalaunan ang suspek na inamin umano sa ginawang krimen. Mahaharap siya sa kasong murder. – FRJ GMA News