Inilahad ni Mark Bautista sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes na may espesyal na tao na nagpapatibok ngayon ng kaniyang puso.

“Kung espesyal, meron,” tugon ni Mark sa tanong ni Tito Boy kung may nagpapatibok ngayon ng kaniyang puso.

“And my heart is in the right place," masaya niyang dugtong.

Sa segment na "Fast Talk," tinanong si Mark kung may nililigawan siyang artista, na nilinaw naman niya na, "Dine-date."

Sa panayam ni Tito Boy, sinabi ni Mark na basta na lang dumating ang naturang tao na naramdaman niyang komportable siyang kasama.

"I think dumating. And I think na-feel ko na parang, 'Ay, shocks. Ito 'yung taong komportable ako na… I can be myself,'" saad niya.

Aminado rin ang mang-aawit na dumating din noon ang panahon na tila nawalan na siya tiwala pagdating sa pag-ibig.

"Kasi matagal din, Tito Boy. Matagal akong parang nafu-frustrate dahil parang feeling ko, 'Ako ba 'yung may problema?' Parang gano'n. Masyado ba akong choosy? Or masyado ba akong hindi na marunong magmahal ba?" paliwanag niya.

Simula sa darating na Linggo, November 9, mapapanood si Mark bilang isa sa mga hurado sa segment na "Veiled Musicians Philippines" sa noontime variety show na "All-Out Sundays."

Hurado rin sa naturang programa sina Julie Anne San Jose, Rita Daniela, at Tiffany Young ng Girls' Generation. Magsisilbing host naman sina Gabbi Garcia at Rayver Cruz.—FRJ GMA Integrated News