Nasa Pilipinas ngayon ang Hollywood actor na si George Clooney at asawa niyang international human rights lawyer na si Amal para dumalo sa isang pagtitipon tungkol sa free speech at civil liberties.
Nitong Biyernes, nagtungo ang mag-asawa sa Malacanang, at nakipagkita kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Louise Araneta Marcos.
Sa maikli nilang pagpupulong, tinalakay ng mag-asawang Clooney ang mga hakbang para palakasin ang press freedom. Binigyang-diin din ni Amal ang potensyal ng artificial intelligence (AI) sa pagpapalawak ng access sa hustisya.
Habang tinatanggap ang ideya, iginiit ni Marcos ang pangangailangan ng responsableng regulasyon upang matiyak ang ligtas at ethical na paggamit ng AI.
Muli ring tiniyak ni Marcos ang pangako ng administrasyon sa pangangalaga ng press freedom at nagpahayag ng pag-asa na magiging makahulugan at kasiya-siya ang pagbisita ng mag-asawa sa bansa.
Nasa bansa ang mag-asawang Clooney para pangunahan ang Social Good Summit 2025 na inorganisa ng isang online news platform sa Nobyembre 16 sa Lanson Place sa Pasay City.
Inaasahan na magsasalita sila tungkol sa mga pandaigdigang hamon na nakakaapekto sa free speech at civil liberties.
Bukod sa pagiging multi-awarded actor at filmmaker, kinikilala rin si George sa kaniyang mga humanitarian initiatives at global advocacy.
Samantala, kilala naman si Amal na dalubhasa sa international law at human rights, at isang Professor of Practice in International Law sa Blavatnik School of Government ng Oxford University, Senior Fellow sa Oxford Institute of Technology and Justice, at Honorary Fellow sa St. Hugh’s College, Oxford University. — FRJ GMA Integrated News
