Hindi na lang pang-isport ang boksingerong si Eman Bacosa Pacquiao, dahil gaya ng kaniyang ama na si Manny Pacquiao, pinasok na rin niya ang mundo ng showbiz.

Nitong Miyerkoles, pumirma ng exclusive contract sa Sparkle GMA Artist Centre ang 21-anyos na si Eman.

Dumalo sa contract signing sina GMA Network CFO Felipe S. Yalong, GMA Network Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes, Sparkle First Vice President Joy Marcelo, Sparkle Assistant Vice President for Talent Recruitment and Development Ms. Jenny Donato , at ang in ani Eman na si Joanna Bacosa. 

Ayon kay Eman, hindi niya plinano ang pagpasok ng showbiz.

“I just want to thank everyone for welcoming me here. Gusto ko din magpasalamat sa Panginoon Diyos for his plan. Hindi ko talaga to plinano, actually gusto ko lang talagang maglaro. I’m so blessed po na nakarating po ako dito ngayon," pahayag niya.

Ayon kay Eman, kung may laban siya sa boksing, tutukan niya muna ang pag-e-ensayo.

Matatandaan na minsan ding pinasok ng ama ni Eman na si Manny ang mundo ng showbiz, at nakagawa rin ng mga programa sa GMA gaya ng “Show Me Da Manny,” at “Manny Many Prizes.”

Matapos na sumabak si Eman sa “Thrilla in Manila 2,” kung saan nanalo via unanimous decision,  maramig netizens ang nakapansin ng pagkakahawig niya kay Piolo Pascual.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Eman ang labis na kasiyahan niya nang araw na kilalanin na siya ni Manny bilang anak, at ipagamit na sa kaniya ang apelyidong Pacquiao. — Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News