Masayang ibinahagi ni talent manager na si Ogie Diaz ang muling komunikasyon nila ng dati niyang alaga na si Liza Soberano matapos ang tatlong taon.

Sa YouTube vlog ni Ogie na ini-upload noong Enero 6, sinabi ng talent manager na tumugon si Liza sa kaniyang pagbati sa kaarawan ng aktres via direct message sa Instagram.

"Noong nakaraan hindi ako bumabati, hindi naman masama 'yung loob ko, kundi hindi ko maramdaman 'yung sincerity, baka sabihin pinaplastik ko lang," kuwento ni Ogie.

"Ngayon, wala akong pakialam kahit sabihin n'yong, 'gusto n'yo lang magbati kayo,' wala akong pakialam, binati ko talaga si Liza," dagdag niya.

Pag-amin ni Ogie, nami-miss niya ang dating alaga kaya binati niya ito, at labis ang kaniyang kasiyahan na sumagot naman ang aktres.

Saad ni Ogie sa birthday greeting: "Happy bday, Liza Soberano! Sana ma-achieve mo ang dream mo to make it big in Hollywood! Sana ay mapaligiran ka din ng mga tamang tao para mas mabilis mo siyang ma-achieve! Love you, Hopie!"

Tumugon naman si Liza ng: "Thank you, Tito Ogie. I hope you and the family are doing well."

Sa kabila ng lahat nang nangyari sa paghihiwalay nila bilang talent at manager, sinabi ni Ogie na nagpapasalamat siya kay Liza at sa pinagsamahan nila.

“Natuwa ako kasi parang message ng ganun si Liza so wala siyang sama ng loob sa akin. Ako rin naman nung minessage ko siya wala, jusko ang tatanda na namin. Kumbaga, ano ba yun, magtatanim ka ba ng sama ng loob?,” ani Ogie.

Taong 2023 nang lumabas ang kontrobersiyal na "I Am Hope" vlog ni Liza, at nasundan panayam sa "Fast Talk with Boy Abunda," na napag-usapan ang pag-alis niya sa poder ni Ogie. – FRJ GMA Integrated News