Isang inabandong bagong silang na sanggol na inilagay sa batya ang natagpuan at nasagip sa tabi ng sapa sa Ramon, Isabela.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nakita ng isang residente ang sanggol na nasa batya sa Barangay Ambatali at kaagad niyang ini-report sa awtoridad.

Dinala ang sanggol sa health center para masuri ang kaniyang kalusugan.

Inilipat kinalaunan ang kustodiya ng sanggol sa Department of Social Welfare and Development.

Nangangalap na ang pulisya ng CCTV footage sa lugar para matukoy kung sino ang nag-iwan sa sanggol. –FRJ GMA Integrated News