Nilinaw ni Kylie Padilla na wala siyang layuning punahin ang ama niyang senador na si Robin Padilla, nang sabihin niyang aalis na siya sa Pilipinas kung tumakbo sa mas mataas na posisyon sa gobyerno ang kaniyang ama.
“Please do not take my statement and use it against my father. I admire all the good he is doing for our country. I only made the comment out of my desire to live a calm, peaceful and quiet life,” sabi ni Kylie sa isang post sa social media.
“Di ko sinabi yun to insult him or anyone else. I love him and only wish for him to be happy and safe always,” pagpapatuloy pa ni Kylie.
Naging usap-usapan si Kylie nang sumagot siya sa isang panayam na “aalis na ‘ko ng Pilipinas” matapos hingan ng reaksyon sa posibleng pagtakbo ng kaniyang ama na si Robin sa mas mataas na posisyon sa bansa.
Lumutang ang pangalan ni Robin na posibleng tumakbong bise presidente sa 2028 presidential elections.
Ayon sa aktor na naging politiko, tatakbo siya sa mas mataas na posisyon kung iuutos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kaniyang kapartido, at posibleng maging running-mate ni Vice President Sara Duterte.
--Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

