Nagtamo ng mga sugat ang isang motorcycle rider matapos siyang sumalpok sa kasalubong na tricycle sa Marcos Highway sa Antipolo, Rizal. Ang rider, umaming galing siya sa inuman.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang paghambalang sa kalsada ng duguang rider at kaniyang motorsiklo sa Barangay Santa Cruz pasado 11 p.m. nitong Martes.

Mapanonood sa kuha ng CCTV ang motorsiklo na pababa sa pakurbang parte ng kalsada nang bigla itong sumalpok sa kasalubong na tricycle sa kabilang lane.

Sinabi ng ilang saksi na mabilis ang takbo ng motorsiklo.

“Nakatingin ako banda rito. Ang tulin ng motor, 'yung single. Nag-overshoot. Kinain 'yung kalsada rito. Kaya nasagi niya tong bajaj. Malakas. Dinig nga hanggang du’n 'yung impact ng pagbangga niya rito,” sabi ni Angelo Millares, saksi.

Nabasag ang side mirror ng tricycle, natanggal ang railing at ang fender sa likurang gulong nito sa lakas ng impact.

“Mabilis po siya sa kurbada. Nag-overshoot po siya diyan sa may kurbada. Tapos tinamaan niya po ako dito sa gilid. Kasi dahan-dahan lang po ako eh. Tapos nailagang ko pa po siya. Tapos tutumbukin niya po ko dito sa unahan. Halata naman po na lasing. Tsaka hindi po siya makausap noong una,” sabi ng nabanggang tricycle driver na si Ric Justin Rosal.

Mga sugat sa ulo ang tinamo ng rider, na binigyan ng first aid.

Sinabi ng 22-anyos na rider na pauwi na siya sa Barangay Cupang nang maganap ang insidente.

Umamin siyang galing siya sa inuman.

Ayon sa pulisya, nakumpiska mula sa rider ang sumpak o improvised na baril.

Hindi nagbigay ng pahayag ang rider kaugnay nito.

Nagpunta ang biktima at tricycle driver sa Antipolo Police Station matapos ang aksidente para doon sila mag-usap.

Sinabi ng barangay na accident-prone area ang pinangyarihan ng aksidente. —Jamil Santos/EJ Gomez/VBL GMA Integrated News