Inihayag ni Alessandra De Rossi na mayroon siyang dating nakarelasyon sa showbiz na ayaw na niyang makasama sa trabaho.

Sa kaniyang guesting sa nakaraang episode ng “Your Honor,” tinanong ng mg host si Alex kung sino ang artistang ayaw na niyang katrabaho.

“Puwede ‘yung ex? Joke lang,” tugon ni Alex.

Hindi na ito idinetalye pa ni Alex, at ibinulong na lamang sa mga host na sina Chariz Solomon at Buboy Villar kung sino ito.

Gayunman, nilinaw ni Alex na hindi lang isa ang kaniyang tinutukoy.

“Pero, guys, para lang malinaw. Hindi lang siya, madami pa,” sabi niya. “Minsan hindi dahil may nangyari sa aming gulo. Nakita mo lang ‘yung ang hirap niyang katrabaho. Ang dami mong kailangan i-adjust. Hindi ito tungkol sa'yo. Ayaw kitang ka-work. Hindi ko kaya,” saad niya.

Para pa kay Alex, “Mahal kita pero hindi kita kayang ka-work. May mga gano'n.”

Tinanong din si Alex kung sino ang mga naging boyfriend niya sa showbiz na hindi alam ng publiko.

“Wala na. Parang alam naman nila lahat. Meron nga doon na hindi naman naging, pero nandu’n pa rin eh,” biro niya. “So, kung ano na lang ilagay niyo roon. I'm okay. Maganda naman yung line-up ko.” – FRJ GMA Integrated News