Patay na nang makita ang 13 alagang aso sa isang bakuran sa San Miguel, Iloilo. Hinala ng may-ari sa mga aso, nilason ang kaniyang mga alaga.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nakita ang mga aso sa isang bakuran at may katabing kanin na may kahalong kulay asul na bagay o sangkap na hindi pa alam kung ano.
Hinala ng pamilyang may alaga sa mga aso, lason ang asul na sangkap na nakahalo sa kanin.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente at inaalam kung ano kulay asul na nakahalo sa kanin.
Aalamin din ng pulisya kung sino ang may gawa ng paglason na maaaring maharap sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act. – FRJ GMA News
