Isinailalim ang Senado sa "elevated alert status" nitong Martes kasunod ng tensiyon sa Mataas na Kapulungan sa pagtatangka ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na ihain ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) para kay Senador Ronald "Bato" dela Rosa.

"Under elevated alert status," sabi ni Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca.

Nakitaan ang ilang mga miyembro ng Office of the Sergeant-at-Arms na may dala-dalang mahahabang armas sa looban ng Senado.

"May mga firearms talaga dito sa Senado," sabi niya.

Noong Lunes, tumaas ang tensiyon sa Senado nang habulin ng mga ahente ng NBI si Dela Rosa, na muling nagpakita pagkatapos ng anim na buwang hindi makita sa publiko sa gitna ng mga ulat na inilabas na ang warrant of arrest ng ICC.

Makikita ang galit ni Dela Rosa sa plenaryo sa Senado, na iginiit na tinangka ng mga ahente ng NBI na makipagbuno at pigilan siyang makapasok sa gusali.

Kalaunan, bumoto ang mga senador na i-cite in contempt ang mga tauhan ng NBI at ikulong sa ilalim ng kanilang kustodiya.

Kasunod ng isang pagpupulong kasama si NBI Director Melvin Matibag, inilagay sa ilalim ng kustodiya ng bureau ang mga ahente. — Jamil Santos/VBL GMA News