Patay ang isang tindero ng pandesal matapos siyang barilin at pukpukin ng bato ng nakaalitang tindero rin ng pandesal sa San Fernando, Pampanga.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nagkainitan ang dalawa nang magkasalubong sa bahagi ng Barangay Calibutbut sa Bacoor, Pampanga.
Naghabulan ang dalawa hanggang sa umabot sa Barangay Lara, na bahagi na ng San Fernando. Dito na inabutan ng suspek ang biktima na kaniyang binaril ng tatlong beses.
Ngunit hindi pa nakontento ang suspek at pinagsisipa niya ang biktima at hinampas pa ng bato sa mukha.
Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang suspek, at ang isinasagawang imbestigasyon sa ugat ng krimen. – FRJ GMA News
