Hinuli ang anim na kabataan na sangkot sa pananaksak na nauwi sa rambulan sa kalsada sa Davao City. Dalawang estudyante ang sugatan.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang isang video ang rambulan sa kalsada ng ilang kabataan na nakauniporme ang karamihan.

Isang babae ang nagtangkang umawat ngunit nadamay sa komosyon at nadapa.

Batay sa pulisya, nag-umpisa ang gulo sa pananaksak ng isang grupo sa dalawang lalaking estudyante na pauwi na mula sa eskuwelahan.

Nagtamo ng mga sugat ang mga biktima na nagpapagaling sa ospital.

Nadakip ang anim na suspek na nasa mga edad 14 hanggang 16, at dinala sa Davao City Social Welfare and Development Office.

Sinabi ng prinsipal ng paaralan na dati nang may alitan ang dalawang grupo.—Jamil Santos/FRJ GMA News