Laking gulat ng isang ama sa Pagadian City nang bigla umanong mabuhay ang kaniyang bagong silang na anak, na nauna nang  idineklara sa ospital na patay matapos iluwal ng kaniyang maybahay.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabi ng ama ng sanggol na 11:00 p.m. noong Sabado, March 18, nang iluwal ng kaniyang misis ang sanggol.

Pero sinabi umano ng isang hospital staff na namatay ang sanggol na anim na buwan lang na ipinagbuntis ng ina.

Dahil dito, ibinalot nila sa tela at packaging tape ang bata at inihanda na ang kaniyang paglilibingan.

Pero nang matapos daw ang ginawang kabaong, laking gulat nila nang mapansing tila buhay pa ang sanggol.

Kaagad nilang isinugod sa ospital ang sanggol pero paulit-ulit daw silang sinabihan ng isang hospital staff na hindi mabubuhay ang bata.

Sabi ng pediatrician ng Zamboanga del Sur Medical Center na si Doctor Rovel Blancia, namonitor sa ospital na nagkaroon ng tibok ng puso ang sanggol.

Pero hindi raw sapat ang heart rate nito para mabuhay ang bata.

Pagsapit ng tanghali noong Linggo, March 19, tuluyang pumanaw ang sanggol. -- FRJ, GMA News