Nabundol ang anim na taong gulang na bata nang bumitiw sa ina habang tumatawid sa isang kalsada sa Batangas City, ayon sa ulat ni Katrina Son sa "Balitanghali Lunes."

Makikita sa CCTV na nakakapit ang dalawang anak sa kanilang ina habang tumatawid sa kalsada sa harap ng isang paaralan.

Nang biglang bumitaw at tumakbo ang batang babae, dumaan naman ang isang jeep kung saan siya ay sumalpok at nagulungan pa.

Napatakbo ang kanyang ina at agad namang lumabas ang jeepney driver at kinarga ang bata.

“Di ko na rin alam ang gagawin ko, parang bumalik ako eh. Sabi ko na dun sa driver, sinigawan ko na yung driver: Dalhin mo na yan sa ospital,” sabi ng ina.

Nagsibabaan naman ang mga pasahero at isinakay ng driver ang biktima sa jeep patungong ospital.

Ayon sa ina ng bata, gustong magpabili ng palamig ng kanyang anak kaya bigla itong tumakbo.

“Bigla ko po talaga siyang nabitawan. Ito ngang anak ko nabitawan ko na rin sa sobrang shock ko na rin,” sabi ng ina.

Wala namang nabaling buto, pero matatagalan pa raw bago tuluyang gumaling at makalakad ang biktima. Nagpa-blotter pero hindi na naghain ng reklamo ang ina.

“Sagot naman po niya lahat ng gastos sa amin eh.  Magastusan niya hanggang sa paglakad ng aking anak,” sabi ng ina.

Umani ng mahigit 92, 000 views sa Facebook ang video ng insidente kung saan sinisi pa ng ilang netizen ang ina ng biktima.

“Sa bilis ng pangyayaring yun, di ko naman inaasahan talaga yun. Sino gang may gustong mapahamak ang anak? Wala naman?” paliwanag ni ina.

Ayon naman sa pulisya, may pagkakamali ang driver na wala pang pahayag sa ngayon. Dapat maging mahinay lang daw ang takbo sa mga abalang kalsada tulad ng harap ng paaralan o simbahan.

Payo naman ng ina ng biktima sa mga motorist ang mga tumatawid na mag-ingat.

“Dahan dahan lang, tumingin sa dinadaanan. Dahan-dahan sa pagda-drive. Yun lang po. Tsaka 'yung sa tatawid, talagang tuminging mabuti para wala nang maaksidente,” sabi niya. —Joviland Rita/ LDF, GMA News