Ginahasa umano ng kanyang kapitbahay ang isang ginang sa Tondo, Maynila habang natutulog sa tabi niya ang kanyang mga anak.
Ayon sa biktima, ala-una ng madaling araw noong Miyerkoles, Agosto 7, nang magising siya at nakita sa loob ng kanilang bahay ang kanyang kapitbahay na kinilala niya bilang si Ferdinand Nama alyas Waway, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Binantaan umano ng suspek ang biktima na huwag mag-ingay at kung hindi siya sumunod ay papatayin siya nito.
Itinutok umano ng suspek ang isang kutsilyo sa tagiliran ng biktima habang ginagawa ang kahalayan sa tabi ng dalawang anak ng biktima.
Ang padre de pamilya ay nasa trabaho sa Antipolo nang maganap ang krimen.
Nang umihi ang suspek, tumakbo ang biktima palabas ng bahay para humingi ng saklolo.
Hindi naman nila natagpuan ang suspek pagbalik nila sa bahay.
Agad nagpasaklolo sa barangay at pulis ang biktima ngunit hindi na nakita ang suspek.
Ayon sa barangay tanod, may nakakita raw sa suspek na tumawid at sumakay palabas.
Nag-apela naman ang biktima sa suspek na sumuko na.
Ipinost sa social media ng kaanak ng biktima ang litrato ng suspek sa hangaring matunton ito agad.
Tinutugis pa ng mga pulis ang suspek.
Nakausap ng GMA News ang kinakasama ng suspek na nakatira ilang hakbang lang ang layo sa bahay ng biktima.
Tumanggi itong humarap sa camera pero nangakong tutulong sa kaso. —KG, GMA News
