Arestado sa entrapment operation ang isang hinihinalang pekeng talent scout matapos siyang ireklamo ng isa niya umanong biktima na menor de edad.

Nahuli ng mga operatiba ng NBI Interpol Division ang nasabing suspek na nakilalang si JR Kison, ayon sa ulat ni John Consulta sa Balitanghali Weekend ng GMA News TV nitong Sabado.

Nagpakilala sa biktima umano ang suspek na nagpasikat na raw sa ilang millennial na artista.

Kasama ang kanyang ina, idinetalye sa GMA News ng 16-anyos na biktimang lalaki ang nangyari.

Nilapitan umano siya ng suspek habang siya'y nasa mall sa Alabang at inalok na mag-artista at mag-model.

Dinala raw siya sa condo unit nito sa Tagaytay para sa isang photo shoot na ang suspek raw mismo ang kukuha ng litrato.

"Bago niya ako picturan, may pinapainom po sa aking alak. Pinipilit niyang inumin ko raw po pero hindi ko ininom," kuwento ng biktima.

Pero nang may gawin daw sa kanyang hindi kaaya-aya ang suspek, dali-dali siyang nagbihis at umalis.

Pagbalik sa Maynila, sinuyo umano ng suspek ang Grade 10 student para makuha uli ang tiwala.

Pinangakuan daw siya ng suspek ng pambayad sa tuition at pera at ipagsho-shopping pa ng mga damit, ayon sa biktima.

Ayon kay Ronald Aguho, hepe ng NBI-Interpol, nakakabahala raw ang mga insidenteng tulad nito dahil karamihan sa mga biktima ay mga menor de edad.

"This is very critical especially na ang mga biktima dito karamihan ay menor de edad. Eto 'yung teenagers between 15-17 years old... Binibiktima nila 'yung mga gustong maging artista o maging modelo at inaabuso nila," ani Aguho.

Depensa naman ng suspek, pera lang ang gusto ng biktima sa kanya.

"No, no, no, there's no... They just want my money, okay?... Can I get my lawyer first?" saad ng suspek.

Iinspeksyonin ng NBI ang cellphone at gadgets ng suspek para marekober ang mga sensitibong litrato.

Nahaharap sa reklamong qualified human trafficking ang suspek. 

"Ang isa sa tinitingnan nating possibility is this guy producing child pornography kasi ayon doon sa kuwento ng biktima, nalitratuhan siya... Ating inaksyonan ang kanyang reklamo dahil para 'di maikalat sa internet ang mga litrato," dagdag ni Aguho.

Inimbitahan naman ng NBI ang lahat ng mga posibleng nabiktima umano ng suspek na makipag-ugnayan sa kanila. —KG, GMA News