Arestado ang isang na-dismiss na traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) matapos ireklamo ng pangongotong, ayon sa eksklusibong ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.

Kinilala ang suspek na si Tristan Sanchez, na nangikil daw ng P5,000 mula sa isang motoristang nag-check ng cellphone habang nasa stoplight.

Ayon sa biktima, bigla raw sumulpot ang naka-motor na si Sanchez at sinita siya. Pero sa halip na tiketan siya, nag-alok daw si Sanchez ng "option 2" — na sa kanya na lang magbayad para wala nang abala.

Dito na dumulog sa otordad ang biktimang si Ariel Atad, na presidente pala ng SK Federation ng San Juan.

Sa pag-iimbestiga ng pulisya, napag-alaman na wala na sa MMDA ang suspek dahil na-dismiss ito ilang buwan na ang nakararaan.

"Nagpapanggap pa rin siya na miyembro ng MMDA at nanghuhuli siya ng mga traffic violators," ani Police Lieutenant Colonel Renato Castillo, assistant chief ng San Juan Police.

Todo-tanggi naman sa akusasyon si Sanchez, na nahaharap sa reklamong robbery-extortion at usurpation of authority. —KBK, GMA News