Muntik pang mapahamak ang isang kahera ng tindahan sa Marikina nang ambaan siya ng saksak ng isang lalaking pulubi na binigyan niya ng pagkain.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, ipinakita ang kuha sa CCTV ng isang tindahan ng damit sa Barangay Uno ang pagdating ng isang lalaki na tila namamalimos sa kahera na si Marilyn Layson.

Inabutan naman siya ng kahera ng pagkain pero nagalit ang lalaki na bumunot ng patalim at saka inambaan ng saksak ang biktima.

Dahil sa ginawa ng naglalaki, nabulabog ang ilang namimili sa tindahan ng damit at nagtakbuhan.

Pero umalis din ang lalaki nang sabihin nilang tatawag sila ng pulis at may CCTV ang tindahan.

Naaresto naman kinalaunan ng mga awtoridad ang suspek na nakilalang si Roberto Baluran habang pagala-gala sa kalye.

Ipinaliwanag niyang pera ang kailangan niyang para makauwi siya sa Cavite.

Nakakulong ngayon sa city jail si Baluran na nahaharap sa reklamong grave threat.--FRJ, GMA News