Sa panayam ng "Unang Hirit, " inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon din siyang mga pagkukulang sa kaniyang mga anak at apo dahil sa kawalan ng panahon.

"Medyo may pagkukulang ako, even sa mga apo. Because I really don't have time," sabi ng pangulo kina "Unang Hirit" host  Arnold "Igan" Clavio at Susan Enriquez.

Mayroon na umanong 13 apo si Duterte.

Inihayag din ng pangulo na titigil lamang siya sa pagmomotor kapag patay na siya.

"Totoo. Hindi ako maghihinto dahil kapag maghihinto ako, mabuti pang mamatay na rin. Wala na eh. Kung wala na rin kaligayahan 'yung buhay mo, wala ka na ring magawa, mabuti pang mamatay ka na," anang presidente.

Inihayag din ng Punong Ehekutibo na mas ipinagdadasal niya ang bansa kaysa kaniyang sarili.

Sa pagsagot naman sa tanong ng isang televiewer, sinabi ng pangulo kung ano ang nais niyang matanggap sa Pasko.

"I said, wala na actually. I'll tell you something. Ako hindi ako nagdadasal para sa sarili ko, [pero] para sa bayan ko... [at] Kung ano lang ibigay ninyo. Puwede sana motor," anang pangulo.

Panoorin ang buong panayam sa pangulo kung saan marami pa siyang tanong na sinagot sa video na ito ng programang "Unang Hirit," na nagdiriwang ngayon ng kanilang ika-20 taong anibersaryo.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News