Suwerte ang 2020 para sa mga gustong patatagin pa ang kanilang relasyon dahil ayon sa Feng Shui, malakas sa Peach Blossom luck o love energy ang Year of the Metal Rat.

Sa Unang Hirit nitong Biyernes, sinabi ng Feng Shui consultant na si Johnson Chua na aasahan sa mga couples ang kaunting pagsubok dahil kapag malakas ang love, naroon din ang tukso ng "unfaithful relationship."

Para sa mga couples o mag-asawa, puwedeng magsabit sa bedroom door ng hanging love charm na may anti-evil eye para maiwasan ang mga tukso o third parties. Ang korteng puso naman nito ang sisimbolismo ng pag-ibig.

Puwede rin silang magsuot ng love protector or couples wear para maalala nila palagi ang isa't isa. Lagyan ang bracelet ng stone na sumisimbolo ng kanilang buwan ng anniversary, pati na rin ng healing stones ng rhodonite.

Ayon pa kay Chua, mainam din na maglagay ng picture frame ng couple sa southwest direction ng bahay at kung maaari, gamitin ang anniversary o wedding picture.

Puwede ring maglagay ng mandarin duck, dahil sumisimbolo ito ng "100 years together," at  fox image na "protector of love" at "anti-third party." —Jamil Santos/LDF, GMA News