Ligtas pa rin ang Pilipinas sa kinatatakutang novel coronavirus (nCOV) na nagmula sa China matapos magnegatibo sa naturang virus ang limang-taong-gulang na Chinese na nasa Cebu.

Pero hindi pa raw pinayagan ng Department of Health na lumabas ng ospital ang pasyente dahil may isa pang pagsusuri na ginawa sa bata na ipinadala sa Australia, ayon sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes.

"The patient is doing well, but we are not discharging the child. According to our protocol, if you are suspected of having of this new corona virus that we have, we only discharge the patient after testing negative [for] two consecutive tests na 24 hours in between," paliwanag ni Health Undersecretary Eric Domingo.

Una rito, dinala sa ospital ang bata na galing sa Wuhan at isinailalim sa quarantine matapos siyang kakitaan ng sintomas ng sakit tulad ng lagnat.

Nagpositibo sa coronavirus ang bata kaya ipinasuri ang kaniyang specimen para alamin kung anong uri ng virus ang kaniyang taglay.

Ayon kay Domingo, kapag nagnegatibo ang bata sa ikalawang pagsusuri, doon lang idedeklarang ganap na magaling ang pasyente.

Lalo pang hinigpitan ang pagbabantay sa mga pasaherong dumarating sa Pilipinas lalo na ang mga galing sa China dahil nakarating na sa Amerika, Japan, Thailand at South Korea ang virus, na kumitil na sa buhay ng 17 katao sa China, at pagkakaroon ng sakit ng nasa 400 kataon.--FRJ, GMA News