Bagama't heartbroken, nananatili ang pag-asa ni Khalil Ramos na maibabalik pa ang vintage SUV ng kanilang pamilya na ninakaw mula sa kanila sa Quezon City.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras nitong Martes, makikita ang post ni Khalil sa kaniyang Facebook page noong Oktubre 27 tungkol sa ninakaw nilang SUV.

Matapos ang higit isang buwan, patuloy sa paghahanap ang pulisya sa sasakyan nina Khalil.

Umaasa pa rin si Khalil na maibabalik sana nang buo ang SUV.

"Ang high ng sentimental value 'cause that was my lolo's car, and inalagaan talaga ng dad ko. So heartbreaking pa rin for us. But we're still hopeful na sana maimbestigahan nang maayos. The Anti-Kidnapping Group and the PNP are doing their best naman and looking for the car. Kaso mahirap lang kasi talagang ma-track down," anang Kapuso actor.

"If your car is old, kailangan mong lagyan ng GPS tracker, 'cause older cars are much vulnerable to carnapping incidents. If ever mahanap namin, 'yun 'yung una naming gagawin, lalagyan na namin siya ng GPS tracker," payo ni Khalil sa mga kolektor ng vintage cars.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News