Nagbigay ng patikim si Carla Abellana tungkol sa gagampanan niyang role sa "Stolen Life," na series tungkol sa pang-aagaw ng katauhan at astral projection.

Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Carla ang ginawa niyang practice sa gagampanan niyang role, na tila isang babaeng palaban.

"Listen, Gen Z," caption ni Carla tungkol sa kaniyang skit. "Practicing lang for a new role! (peace emoji)" saad niya.

 

 

Muling makakatambalan ni Carla sa naturang upcoming series si Gabby Concepcion, at makaka-love triangle nila si Beauty Gonzalez.

Ayon sa artikulo ng GMA Network, ang "Stolen Life" ay kuwento tungkol sa babaeng "mananakawan" ng buhay dahil sa astral projection.

Gaganap si Carla bilang si Lucy, na ikakasal sa mayaman at mapagmahal na si Darius (Gabby) at magkakaroon sila ng isang anak.

Pinsan ni Lucy si Farrah, na gagampanan ni Beauty, na magiging isang wanted criminal.

Para makamit ang buhay na kaniyang gusto, gagamit si Farrah ng astral projection para sumanib sa katawan ni Lucy. Si Lucy naman ay mapupunta sa katawan ni Farrah, at siyang makararanas ng mapait na buhay. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News