Babae o lalaki, tila walang pinipili ang isang nagpapanggap umanong driver ng isang ride hailing app para managa umano ng singil sa pamasahe. Ang Land Transportation Office (LTO), magsasagawa raw ng imbestigasyon.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, ipinakita ang video na nakikipagtalo ang pasaherong si "Mc Cauley" at mga kasama niya noong Enero 3, sa inirereklamong driver na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.

Kumuha raw ng masasakyan sila Mc Cauley sa ride-hailing app pero hinintuan sila ng driver ng isang itim na SUV, na nagpakilalang siya ang kanilang na-book.

Pero hind pa nakakalayo, sinisingil daw ng driver sina Mc Cauley ng P300, na mas mahal sa nakalagay na rate sa app. Doon na nauwi sa pagtatalo ang biyahe ng grupo na nagpumilit na ibaba na lang sila.

Pagbaba at habang pinaplakahan nila ang SUV, nagmadali daw na umalis ang driver kahit nakabukas pa ang backdoor ng kaniyang sasakyan.

Si Justine Peña, hinintuan din daw ng naturang driver kahit hindi naman siya nag-book.

“Binaba ‘yung window sabi niya ako ‘yung booking mo. Tapos nang nakailang 'no' na po ako, parang nag-shift po siya, sabi niya saan po kayo papunta? Ihatid ko na po kayo,” pagbabahagi ni Peña.

“Nasa middle age short hair tapos decently dressed, may pa-smile pa po, 'ma’am ako po book niyo.' Black ‘yung SUV, sobrang tinted ang windows tapos pa midnight na po ‘yun ‘yung medyo scary,” dagdag pa ni Peña.

Ang driver na nag-alok daw Pena, pareho sa nagpanggap na na-book na rider sa isang usap-usapang video na naniningil daw ng sobra sa itinakdang rate.

Namukhaan din daw ni Lhay Columba ang drayber ng SUV nang isakay siya nito noong Disyembre.

Pero hindi naman daw ito nagpanggap bilang ride-hailing app driver. Sa halip, nag-alok ito ng "carpool" na may bayad.

“Sabi niya, ‘Ma’am ano i-carpool ko na lang po kayo’… nagsabi siya ng presyo na mas mataas doon kaysa sa booking price,” ani Columba.

Pumayag daw angdriver na ipantay ang presyo sa ride-hailing app pero bigla ring tinaga sa preso si Columba nang bumibiyahe na sila.

“Hala sabi ko, hindi kuya, usapan natin… sige na ma’am pamasko mo na lang sa akin ‘to. Kung hindi lang talaga ako pagod, hindi ko talaga babayaran ‘yun,” dagdag pa ng babae.

Sinusubukan GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang ride-hailing app pero hindi pa sila sa sumasagot.

Ipatatawag naman daw ng LTO ang may-ari ng SUV at ang sinasabing driver ng sasakyan.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News