Lalo pang nagliyab ang isang motorsiklong nasusunog sa gitna ng isang drag race sa Isabela City, Basilan, matapos itong buhusan ng ethanol na inakalang tubig ng isang nagtangkang tumulong.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” noong Linggo, sinabing idinaos sa lugar ang kauna-unahang Sakayan Festival first legal drag race o karerahan ng mga motor.

Sa ikalawang karera ng event, napansin ng mekaniko sa naturang event na si Arnulfo Enriquez Jr. na may tumatagas nang gasolina sa karborador ng kaniyang motor.

“May leak siya, parang nag-o-overflow ‘yung gasoline. Pero pursigi lang kami siyempre kasi gusto talaga namin manalo,” sabi ni Enriquez.

Nagsagawa naman ng pagsusuri sina Enriquez sa motorsiklo bago isabak sa huling karera.

Ngunit sa gitna ng pag-iinspeksiyon, bigla na lang nagliyab ang motor kaya agad nagpulasan ang mga tao.

May dala-dala nang fire extinguisher si Enriquez, pero may isang kalahok na nauna sa kaniya at may ibinuhos sa apoy. Imbes na maapula, lalo pang lumaki at nagngalit ang apoy.

Agad namang dumating ang fire truck sa kabutihang palad.

Matapos ang insidente, umaandar pa ang motorsiklo kahit sunog na ang chassis.

Nadilaan si Enriquez ng apoy sa katawan at nagtamo ng second degree burns sa kaniyang mukha, braso at binti. Ganito rin ang sinapit ng isa pang tao, na nalapnos ang binti at hita at nagpapagaling pa rin sa ospital.

Ang lalaking nagbuhos ng kakaibang kemikal, humingi ng tawad kay Enriquez sa nangyari.

“Pagdating sa ospital sabi niya sa akin ‘Bro hindi ko naman talaga intensyon ‘yon. Akala ko talaga tubig, gusto ko lang talaga tumulong.’ Sabi ko ‘Okay na ‘yun, walang problema,’” kuwento ni Enriquez.

Tinulungan ng organizer ng event ang mga naaksidenteng rider sa sunog.

Base naman sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, ethanol na ginagamit sa paghalo sa mga gasoline ang nabuhos ng lalaki sa halip na tubig.

Ayon kay Antonio Tolentino Jr. ng Philippine Rotary in Emergency Preparedness and Response Foundation Inc., dapat may proper labeling ng mga kemikal at dapat nakahiwalay ang mga combustible materials sa mga tao. Dapat ding authorized personnel ang hahawak at gagamit ng mga ito.

Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Isabela City na kung mabibigyan ng pangalawang pagkakataon na magsagawa ng drag race event, sisiguruhin nila ang mas mahigpit na seguridad. —LBG, GMA Integrated News