Arestado ang isang 27-anyos na babae matapos pagbabatuhin ang ilang motorista sa Barangay Project 6 sa Quezon City.

Sa kuha ng CCTV, kita ang lasing na babae na nasa gitna ng kalsada. 

Binato niya ng tsinelas ang napadaang kotse at motorcycle rider.

Pagresponde ng mga taga-barangay at inaresto ang babae, patuloy siya sa pagwawala kahit nakaposas na. 

Sinipa pa niya ang isa mga barangay tanod.

Ayon sa pulisya, galing sa inuman ang babae kasama ang kanyang girlfriend.

“Nung nalaman po nakita ng ating mga taga-Barangay Project 6, agad po nila pinuntahan at nung kanilang aarestuhin ‘yung babae sila po ay pinagmumura. ‘Yung isang BPSO po natin kanyang nasaktan at ‘yung isa rin pong kagawad nakagat po niya sa tagiliran at braso,” ani Police Major Octavio Ingles Jr., ang deputy station commander sa Project 6.

Sa imbestigasyon, ito na ang ikalawang beses na nasangkot sa ganitong insidente ang suspek. 

Sabi niya, hinihiwalayan na raw siya ng kanyang girlfriend nung mga oras na ‘yon.

“Sobrang kalasingan ko sir wala na po ako sa uwisyo. Hindi ko na talaga matandaan nangyari. Humihingi po talaga ako ng pasensya talagang sobrang pagsisisi ko,” ani suspek.

Kung may isang bagay daw siyang natutunan na gusto niyang ibahagi sa mga kabataan: “Huwag na po mag-inom ‘yung mga kabataan ngayon. Itigil na ang pag-iinom.”

Nasampahan na ang suspek ng mga reklamong alarm and scandal, resistance and disobedience at direct assault upon an agent of person in authority. — BAP, GMA Integrated News