Nagbigay ng pahayag si Vhong Navarro kaugnay ng hatol na “guilty” ng korte kina Cedric Lee, Deniece Cornejo at dalawang iba pa na sangkot sa kaniyang kaso noong 2014.

Sa episode ng "It’s Showtime" nitong Huwebes, pinasalamatan ni Vhong ang lahat ng sumuporta sa kaniya sa halos isang dekada na niyang kaso.

“Salamat Lord dahil lagi kang nakagabay sa akin. Sa rami kong pinagdaanan sa buhay, ikaw ang naging sentro ko at napakatotoo mo. Kaya maraming-maraming salamat,” sabi ni Vhong.

Nagpahayag din siya ng kaniyang lubos na pasasalamat sa mga executive ng ABS-CBN at sa fans na sumuporta at naniwala sa kaniya.

“Sa mga naniniwala sa akin, sa aking mga fans. Kung ano man ‘yung narining niyong hindi maganda sa akin, eh patuloy kayong nandiyan sumusuporta at naniniwala,” anang TV host at aktor.

Sa huli, pinasalamatan din ni Vhong ang kaniyang “It’s Showtime” sa pagiging “patient” sa kaniya.

“Roller coaster ang pinagdaanan ko. Ang hirap i-explain. Minsan sabaw ako, pero andyan kayo to support me dahil alam kong mahal na mahal niyo ako,” sabi ni Vhong.

Bago tapusin ang kaniyang pahayag, nag-shoutout si Vhong sa kaniyang mga anak na sina Ice at Bruno, at sa kaniyang asawang si Tanya Bautista, at sinabing babawi siya sa kaniyang mga pagkakamali noong nakaraan.

“Marami akong pagkukulang sayo pero di mo ako iniwan. Marami akong kasalanan pero andiyan ka pa rin. Hayaan mo akong bumawi sayo sa abot ng aking makakaya hanggang sa huling sandali ng buhay ko. Mahal na mahal kita,” ani Vhong.     

Sa 94-page desisyon ng Taguig Regional Trial Court (RTC) Branch 153, hinatulan nito sina Lee, Cornejo, Ferdinand Guerrero, at Simeon Raz na guilty “beyond reasonable doubt” ng serious illegal detention for ransom sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code.

Sinintensyahan sila ng parusang reclusion perpetua.

Noong Marso 2023, ibinasura ng Korte Suprema ang mga kaso ng rape at acts of lasciviousness laban kay Navarro dahil sa kawalan ng probable cause.

— RSJ, GMA Integrated News