Tinupok ng apoy ang barracks ng mga truck driver at pahinante sa Barangay Maybunga, Pasig City bandang alas dos ng madaling araw.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa lang sa light materials ang barracks na matatagpuan sa loob ng compound na paradahan ng mga truck.
Itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang unang alarma.
Nasa siyam na fire truck nila ang rumesponde bukod pa sa mga fire volunteer group.
Naapula ang apoy matapos ang halos apatnapung minuto.
Nakaligtas ang anim na truck driver at pahinante na natutulog noon sa barracks.
Sa bilis ng pangyayari ay wala silang naisalbang mga gamit.
“Naalimpungatan din ako kasi pagsigaw ng helper ko na sabi niya sa akin sunog daw kaya bigla ako bumangon yun nagtakbuhan na kami malaki na yung apoy eh kakagaling ko lang sa biyahe. doon sa kisame galing yung apoy,” kuwento ng truck driver na si Violito Duran.
Nadamay din sa sunog ang unahang bahagi ng tatlong truck na nakaparada sa harapan ng barracks.
Tupok na tupok at hindi na rin mapapakinabangan ang isang motorsiklo.
Inabot din ng apoy ang isa pang motorsiklo na buti na lang nabugahan agad ng tubig.
Ayon sa BFP, problema sa electrical wiring ang tinitingnan nilang sanhi ng apoy.
“Based on ocular inspection ang pinaka nakikita lang namin na parang pinagmulan po is sa electrical po doon sa may kisame so since natutulog po sila hindi po nila certain kung alin po doon kasi nagising lang sila nakita nila may usok sa kisame,” ani FO2 Fahad Pusaca, ang investigator ng Pasig City Fire Station.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsala. — BAP, GMA Integrated News
