Aabot sa 44 na kilo ng marijuana na ibinabagsak umano sa mga estudyante sa University Belt ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang bahay sa Sampaloc, Maynila habang arestado naman ang suspek.
Ksunod ito ng ikinasang drug buy bust operation ng mga tauhan ng Sampaloc Police Station laban sa 40-anyos na suspek na si alyas Ramil.
Ayon sa pulisya, ang mga nasabing droga ay ibinabagsak ng suspek sa paligid ng University Belt.
“Yung kanyang mga parokyano ay mga estudyante along university belt,” ani Police Lt. col. Brillante Billaoac, MPD Station Commander.
“More or less 2 months ung aming pag surveillance, validation, and then eventually nag lead sa kanyang arrest,” dagdag niya.
Ayon sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) nito, isang confidential informant ang nagtimbre kaugnay sa pinagtataguan ng mga droga.
Agad daw silang nagkasa ng operasyon kung saan isang pulis ang nagpanggap na buyer nito.
Gamit ang 10,000 pesos na boodle money, nagawa umanong kumagat sa pain ang suspek na nagresulta sa kanyang pagkakahuli.
Nakuha sa operasyon ang aabot sa 44 na kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na katumas ng halos 5.3 million pesos.
“Yung packaging niya, yun yung packaging usually na galing sa north,” ani Police Major Gil John Lobaton, MPD 4 chief SDEU.
“Inaalam pa namin kung pano napupunta dito, either, private or sa bus, nakalagay siya sa sako na parang feed ang disguise niya,” dagdag niya.
Napag alaman naman na labas pasok na sa kulungan ang suspek dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga at kalalaya lamang nito noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Tumanggi siyang magbigay ng pahayag.
“Ang kanyang rason ay wala silang ibang hanapbuhay at ito ung nakikita nilang madaling magkaroon ng pera upang masustain nila ung kanilang pangangailangan,” ayon kay Billaoac.
Nasampahan na siya ng kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — BAP, GMA Integrated News
