Lalaki na inutusan magputol ng mga tuyong dahon ng puno sa Sampaloc, Maynila patay matapos mahulog.

Sa unang tingin, aakalain mong kung ano lang ang nahulog mula sa punong ito sa bahagi ng Honradez Street sa Sampaloc, Maynila nitong Martes ng tanghali.

Pero, ang nalaglag pala mula sa puno, isang 51 anyos na lalaki.

Ayong sa barangay, nautusan ang biktima na magputol ng mga tuyong dahon mula sa puno ng niyog.

“Kasi po doon sa kantong yun, may nagpapark na van pero hindi po siya taga brgy namin, sa kabila po yata siya,” ani Kagawad Catherine Asenci.

“Since yung ano, puno ng niyog is marami ng tuyong dahon, sabi niya, papabawasan niya para hindi babagsak sa sasakyan niya,” dagdag niya.

Bago ang aksidente, makikita pa ang may ari ng van na inabante ang kanyang sasakyan.

Inayos ng biktima ang kanyang lubid hanggang sa umakyat sa puno.

Maya-maya, bigla na lamang siyang nahulog hanggang sa tuluyang mabagok ang kanyang ulo.

Ayon sa barangay, buhay pa ang biktima matapos malaglag pero hindi agad siya naisugod sa ospital dahil tumagal pa ng 40 minuto bago dumating ang ambulansiya.

Ayon naman sa asawa ng biktima, sabay pa sana silang magtatanghalian noong mga oras na mangyari ang aksidente.

“Di ko expect na papanhik siya sa puno, ang trabaho talaga niya, gumagawa ng bahay,” sabi niya, “Ang sabi, panlima siya sa aakyat, umayaw ung apat.”

“Inextra niya kasi bayaran po namin ng bahay,” dagdag niya.

Sa kabila nito, sasagutin daw ng may ari ng van at ng may ari ng puno ang gastos sa burol at pagpapalibing sa biktima.

Wala din umanong sinisisi ang pamilya ng biktima dahil malinaw na aksidente ang nangyari.

Sabi ng barangay, mas dadalasan nila ang pag-iikot para pagbawalan ang mga naka illegal parking.

“Nag aano naman po kami, nagro road clearing kami tsaka sinasabihan din naman namin yung mga tao, park at your own risk,” ani ni Asenci.

Aksidente man ang nangyari, maiiwasan sana ito kung itinawag na lamang sa LGU ang problema sa pagpuputol ng puno. — BAP, GMA Integrated News