Dalawang pedestrian ang nasugatan sa pagkarambola ng tatlong jeepney sa kanto ng Taft Avenue at Padre Faura Street sa Maynila noong Sabado ng gabi.

Ayon sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend, nangyari ang insidente pasado alas otso ng gabi. 

Binangga ng jeepney na galing Divisoria at patungong Baclaran ang isang jeepney na galing San Andres at patungong Padre Faura. 

Nadamay naman ang isa pang jeepney na biyaheng San Andres-Padre Faura.

Kita sa CCTV footage na nag-red ang stoplight sa direksyon ng bumanggang Baclaran-Dvisoria jeepney.

"Pagkatawid po namin, naka-green na po kami, biglang may bumubulusok na po na biyaheng Baclaran, naka-red na po sila. Tinumbok po yung gilid ng jeep ko," ani ng driver ng jeepney na tumagilid. 

"Nag-beating the red light siya. Nagkarambola kaming tatlo dahil pinilit niya, hinabol niya yung stoplight kasi may ka-karerahan siya," sabi naman ng driver ng pangatlong jeepney. "Aminado naman siya sa mga nangyari."

Ayon sa pulisya, sugatan ang dalawang pedestrian na nakatayo lang sa kanto ng Padre Faura. Agad siland dinala sa ospital.

"Itong isang jeepney ay nawalan ng preno kaya siya nag-beating the red light. Nadamay din 'yung dalawang pedestrian na nakatayo doon sa may kanto," ani Manila Police District spokesperson Police Major Philipp Ines.

Posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple damage to property and multiple physical injuries and driver ng Divisoria-Baclaran jeepney. — BM, GMA Integrated News