Isang 21-anyos na babae, nag agaw-buhay matapos barilin ng kanyang kaibigan sa Tondo, Maynila at makalipas ng dalawang buwan, nahuli ang akusado.
Mahigit dalawang buwan na ang nakalilipas pero hirap pa rin makakilos ang 21 na babaeng si Rey Rey.
Nag agaw-buhay raw kasi siya matapos siyang barilin ng kanyang kaibigan sa bahagi ng Happyland sa Tondo, Maynila noong Abril 5, 20025.
Kinailangan pang hiwain ng mga doktor ang kanyang tiyan para makua ang bala na naiwan sa loob ng kanyang katawan
Sa kuwento ng biktima, ang naging ugat ng krimen ay nang pagbintangan siya ng kaibigan na nilagyan niya ng tubig ang gas tank ng tricycl nito.
“Magsosoli nga sana kami ng kariton ng mga barkada ko dun sa aroma, eh may nakapagsabi na uy si saya oh, yun bigla niya kong binaril sabay umalis kaagad po,” ani ni Rey Rey.
“Siyempre po mahirap kasi d ko na magawa yung maka diskarte, mangalakal, d ko na magawa kasi bawal na ako magbuhat,” dagdag niya.
Matapos ang pamamaril, agad nagtago sa lalawigan ng Bulacan ang lalaki.
Pero makalipas ang ilang buwan, muli siyang bumalik sa Tondo at dito na nahuli ng mga awtoridad sa bisa ng isang warrant of arrest para sa kasong frustrated murder.
“Meron po siyang previous criminal case sa kaso na robbery snatching noong taong 2017,” ayon kay Police Lt. Col. Cristopher Baybayan, MPD-2 Station Commader.
“Hinihintay po natin ang commitment order po galing po sa korte para po siya ay itransfer po natin sa BJMP,” dagdag niya.
Sa imbestigasyon ng pulisya, noong gabi bago mangyari ang pamamaril, una nang nagtalo ang dalawa matapos pagbintangan ng akusado ang biktima na ninakaw nito ang 700 pesos niya na nakaipit sa damitan.
Naki charge daw kasi ang biktima sa kanilang bahay.
Dito na nag away ang dalawa hanggang nasaktan na ng akusado ang biktima.
Iginiit ng biktima na hindi siya ang nagsira ng tricycle ng kaibigan kundi ang dalawang lalaki na nagba boundary dito.
Sa kwento naman ng akusado, si Rey Rey ang unang pumasok sa isip niya dahil siya lang ang nagbanta na sisira sa kanyang motor.
Agad daw niyang kinuha ang kanyang pen gun.
“Nasira yung motor ko nilagyan ng tubig, eh siya yung parang nagdilim yung ano ko sa kanya kaya nagawa ko yung ano,” sabi ng akusado.
“First time lang po, di ko nga po sukat akalain na puputok po yun eh.”
“Sana mapatawad niya ko, di ko rin po talaga ginusto yun,” dagdag niya.
Pinatawad naman na raw siya ni Rey Rey pero nagdadalawang isip pa siya kung iuurong niya ang kaso.
Kailangan niya kasi ng panggastos para sa kanyang mga gamot dahil wala na siyang kamag anak sa Maynila at nakikitira na lang siya sa kapatid ng kanyang ex-girlfriend. — BAP, GMA Integrated News
