Hindi raw gumana ang fire alarm system ng isang condo building sa Quezon City nang nagkasunog sa isa sa mga condo unit, ayon sa mga residente.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Linggo, sumiklab ang sunog sa unit na nasa ika-15 palapag ng residential building sa Barangay Kaunlaran mga 8 p.m. ng Sabado.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, walang nadamay na ibang unit.
"The rest of the units are minimal, mostly siguro sa usok," dagdag ni Ryan Paguntalan, ang kinatawan ng management ng condominium.
Pinalikas sa gusali ang mga residente; ang iba, kauuwi lang galing sa sementeryo para sa Undas. "Grabe yung pag-alala ko kasi siyempre si Lola, yung kasama nga ng mga aso, sobrang hirap bumaba lalo 11th floor kami," ani Trisha Javier, isang residente.
Ang reklamo ng ilang residente, walang tumunog na alarm at walang gumanang water sprinklers. "Wala kaming naririnig na alarm, wala," sabi ni Winnie Tropicales, isa pang residente. "Nalaman lang namin na may sunog dahil may isang residente na nag-announce sa Viber group."
"We will look into that, we will properly investigate the matter," sabi ni Paguntalan. Iimbesigahan din ng BFP kung gumagana ang fire alarm system ng condo.
Mag-a-alas diyes na ng gabi ng Sabado nag maapula ang apoy. Inaalam pa ang sanhi ng sunog at halaga ng pinsala. — BM GMA Integrated News
