Inihayag ng ilang Kapuso stars ang kanilang goals, kabilang na ang career at self-love sa 2026.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing career goal ni Jak Roberto sa bagong taon ang maging braver at gutsy, lalo pagdating sa negosyo.

“When it comes to business, parang more on dapat talaga malakas 'yung loob mo and maging smart ka sa lahat ng decision making. Pagdating naman sa career, of course, stay focused, especially sa pag-build ng career and sa pag-explore pa ng iba't ibang characters,” sabi ni Jak.

Si Royce Cabrera naman, “eyes on the prize” matapos magsimula ang marami niyang dream projects nitong 2025.

“Mas ido-doble ko pa 'yung focus. May mga araw na down tayo. So medyo panghihinaan ka nang konti. So siguro mas lalabanan ko nang doble ‘yun sa next year,” sabi ni Royce.

Nakita ng marami kung paano nagtuon si Barbie Forteza sa self-love nitong 2025. Kaya sa 2026, manifesting siya sa mas marami pang mga takbo para sa isang mas malusog na pangangatawan.

Hiling naman ni Gil Cuerva ang peace, love and growth naman. Sa kaniyang IG post, sinabi niyang hindi niya alam kung saan siya dadalhin ng buhay pero “rest assured I will keep going.”

Looking forward naman si Beauty Gonzalez sa parating na taon lalo at magsisimula ang 2026 with a new series na “House of Lies” kasama sina Kris Bernal, Martin del Rosario, Mike Tan at iba pa.

Sa Year of the Horse, pagtutuunan ni Beauty ang kaniyang acting project at may wish rin siya para sa mister.

“Yes, the house and many more art shows for my husband. Yes, and just continue working. And thank you, GMA for always believing in me. Ang tagal-tagal na rin. Ayaw kong umiyak pero sobrang nagpapasalamat po ako kasi sunod-sunod po 'yung blessings na binibigyan niyo po sa akin,” sabi ni Beauty.

Ipinauubaya naman ni Bianca Umali ang 2026, lalo't hindi siya pinabayaan ng Panginoon sa nagdaang taon.

“For 2026, kada taon po ay hindi po talaga ako nakapag-set ng goals dahil as a person, I go with the flow. I like spontaneous surprises by God. Siguro pananatilihin ko na paghirapan, na piliin pa rin maging mabuting tao araw-araw for the year of 2026,” sabi ng Encantadia Chronicles: Sang'gre star. — Jamil Santos/BAP GMA Integrated News