Sa harap ng kalunos-lunos na sinapit ni Joanna Demafelis na nakita ang bangkay sa freezer, at pag-uwi ng daang-daang OFWs mula sa Kuwait, isa na namang OFW sa naturang bansa ang umiiyak na humihingi ng tulong para makauwi na siya dahil sinasaktan daw siya ng kaniyang amo.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras," itinago sa pangalang "Faith" ang OFW na ipinakita sa isang Facebook message ang pasang tinamo raw niya mula sa pananakit ng amo

"Please po, tulungan niyo ako, gusto ko nang umuwi," umiiyak na pakiusap niya.

Nitong nakaraang Enero raw nang mag-umpisang mamasukan bilang domestic worker si Faith sa kaniyang ikalawang employer sa Kuwait.

Ibinenta raw siya ng una niyang employer sa kaniyang bagong amo na siyang nanakit sa kaniya.

Sabi ni Faith, hinahampas siya ng matitigas na gamit ng kaniyang bagong amo.
"Please po tulungan niyo ako, kinukulong na ako ng amo ko...sinasaktan na po ako ng amo ko," pahayag pa niya.

Ayon sa ulat, alam na ng Overseas Workers Welfare Administration ang kaso ni Faith at naipaalam na raw ito sa Labor Office sa Kuwait.

Nitong nakaraang mga araw, sunod-sunod na nag-uuwian ang mga OFW bunga na rin ng amnestiya na ipinatupad ng Kuwait sa mga overstaying foreign workers sa kanilang bansa.

Marami sa kanila ang may baon na may malungkot na kuwento ng pagmamalupit at pagmamaltrato na naranasan sa kani-kanilang amo.-- FRJ, GMA News