Inihayag ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na pinaghahandaan na ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuwait sa Mayo para saksihan ang pagpirma sa kasunduan na magbibigay ng proteksyon sa mga Filipino na nagtatrabaho sa nabanggit na bansa sa Middle East.

“We are preparing for the trip. April is too tight so the earliest is May,” sabi ni Cayetano nang tanungin kung kailan magtutungo si Duterte sa Kuwait.

Nauna nang sinabi ni Duterte sa isang talumpati na bibisita siya sa Kuwait dahil pinagbigyan na umano ang kaniyang mga kahilingan na magbibigay ng ibayong proteksyon sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa nasabing bansa.

Gayunman, hindi nabanggit ni Duterte sa kaniyang talumpati kung kailan siya magtutungo sa Kuwait.

Umiiral pa rin ang total ban sa pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait dahil sa mga nangyayaring pang-aabuso sa mga OFW doon na gawa ng kanilang mga amo.

Dahil dito, nagkaroon ng negosasyon ang mga kinatawan ng dalawang bansa upang talakayin ang mga hakbang para maprotektahan ang mga OFW.

Sa mga naunang pahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi ng kalihim na kabilang sa mga napagkasunduan ay hindi na kukumpiskahin ng mga amo ang pasaporte ng OFW, magkakaroon ng day-off, suweldo sa tamang oras at iba pa.

Ayon kay Cayetano, sinabi ng pangulo na hindi niya sasaksihan ang pirmahan ng kasunduan kung wala doon ang mga kondisyon na kaniyang hiniling para sa mga OFW.

Sinabi pa ni Cayetano na hiniling din ng Pilipinas sa Kuwait na pamahalaan ang pagpapauwi sa may 1,000 Filipino na tumutuloy sa mga kanlungan doon, at may 200 na iba pa ang kailangan sagipin mula sa kani-kanilang mga amo.

“We want to see immediate action on that,” ayon sa kalihim. “This time is for Kuwait to show its goodwill and to help us implement all these.”

Kabilang ang Kuwait sa mga bansa na puntahan ng mga OFW at tinatayang nasa 250,000 Filipino ang nagtatrabaho doon, na ang karamihan ay domestic helper.-- FRJ, GMA News